GRAFEMA

Pangunahing tungkulin ng ortograpiya ang paglalapat ng grafema sa pahayag na pasalita at bigkas. Tinatawag na graféma ang isang set o pangkat ng mga bahagi sa isang sistema ng pagsulat. Ang mga grafema sa praktika ng ortograpiyang Filipino ay binubuo ng tinatawag na mga titik at mga di-titik.

1.1 Titik. Ang títik o létra ay sagisag sa isang tunog sa pagsasalita. Binubuo ito ng mga patínig o bokablo (vocablo) at ng mga katínig o konsonante (consonante). Ang serye ng mga titik o letra ay tinatawag na alpabéto. Ang alpabetong Filipino ay binubuo ng dalawampu’t walong (28) titik at kumakatawan ang bawat isa sa isang tunog. Binibigkas o binabása ang mga titik sa tunog-Ingles maliban sa Ñ.

1.2 Di-titik. Binubuo ang di-titik ng mga tuldik at mga bantas. Ang tuldik o asento ay gabay sa paraan ng pagbigkas ng mga salita. Sa lingguwistika, itinuturing ang tuldik na simbolo para sa impit na tunog o kayâ sa diin o habà ng pagbigkas. Sa abakadang Tagalog, tatlo ang pinalaganap nang tuldik: (1) ang tuldik na pahilís (΄́) na sumisimbolo sa diin at/o habà, (2) ang tuldik na paiwà (`), at (3) ang tuldik na pakupyâ (^) na sumisimbolo sa impit na tunog. Kamakailan, idinagdag ang ikaapat, ang tuldik na patuldók, kahawig ng umlaut at dieresis ( ̈ ) upang kumatawan sa tunog na tinatawag na schwa sa lingguwistika.

Ang bantas ay kumakatawan sa mga patlang at himig ng pagsasalita sa pagitan ng mga titik at pantig, sa pagitan ng mga salita at mga parirala, at sa pagitan ng mga pangungusap. Mga karaniwang bantas ang kuwít (,), tuldók (.), pananóng (?), padamdám (!), tuldók-kuwít (;), tutuldók (:), kudlít (’), at gitlíng (-).

Tingnan ang seksiyong 12 para sa pagtalakay ng mga bantas.

  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  
  •  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *